-- Advertisements --
image 124

Inaasahan na ngayon ang pagpasa ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng kani-kanilang ordinansa na nagsususpinde sa pangungumpiska sa mga lisensiya ng traffic violators.

Kasunod na rin ito ng pagsuporta ng Metro Manila Council sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Benhur Abalos na magpatupad muna ng mortatorium kaugnay nito.

Una nang ipinaliwanag ni Abalos na bumabalangkas na ng mga panuntunan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan partikular na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) para sa interconnectivity hinggil sa pagpapatupad ng single ticketing system.

Layunin nitong mapag-isa ang database ng pamahalaan kung saan dito ilalagak ang mga datos ng bawat motorista upang madali nang mapanagot ang mga lumalabag sa batas trapiko.

Sa isinagawang pulong nitong weekend, nangako rin ang Metro Mayors kay Abalos at kay MMDA Chairman Romando Artes na titiyakin nilang pag-iisahin lamang ang multa upang maibsan ang mga pagdududa ng katiwalian.