Walang nakikitang problema si PhilHealth President Ricardo Morales sa naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ibang tao na dapat ang magpatupad ng Universal Health Care Law.

Pero bagama’t bukas aniya siya sa ideya na ito, iginiit ni Morales na hindi Presidente ng bansa si Roque para papalitan siya sa puwesto.

Ito ang sagot ni Morales sa naging pahayag ni Roque kahapon, Hunyo 18, na dapat daw panahon na para maghanap ng bagong opisyal na magpapatupad ng batas na sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinabi ni Morales sa isang joint hearing na inaasahan ng PhilHealth na lalaki ang fund deficit nila sa susunod na apat na taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Dahil dito, kanilang inirekominda ang “general delay” sa implementasyon ng Universal Health Care Law, gayundin ang postponement ng expansion ng primary care benefit.

Pero ayon kay Roque, walang legal basis ang rekomendasyon na ito ni Morales.