Pinanatili ng barko ng China na binansagang “The Monster” o CCG 5901 ang presensiya nito malapit sa BRP Teresa Magbanua ng Pilipinas na nagbabantay sa Escoda shoal simula ng dumating ito noong Hulyo 3.
Base sa latest monistoring ni US maritime security expert Ray Powell, nasa 500 meters lang ang layo ng dambuhalang barko ng China mula sa BRP Teresa Magbanua.
Ayon kay Powell hindi nagbabago ang distansiya ng Chinese patrol vessel mula sa PCG ship.
Matatandaan na noong Hulyo 3, dumaan ang Monster ship sa Mischief reef bago ito naglayag patungo sa karatig na Escoda shoal ilang oras ang nakakalipas saka nanatili na sa shoal hanggang sa kasalukuyan.
Una na ngang idineploy ang BRP Teresa magbanua sa Escoda shoal mula noong Abril 16 kasunod ng napaulat na umano’y reclamation activities ng China sa naturang karagatan dahil sa nadiskubreng durog at patay na corals.
Ang BRP Teresa Magbanua na nga ang pinakamatagal na sea asset ng PCG na dineploy sa West Philippine Sea.