Sinabi ni Commission on Elections Chairman (COMELEC) George Erwin Garcia na itutuloy pa rin nila ang kanilang paghahanda para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Ang pahayag na ito ni Garcia ay kasunod ng pag-apruba sa 3rd at final reading sa House of Representatives ng House Bill 11287 o pagbago sa term of office ng Barangay at SK Officials, mula 3 taon, magiging 6 na taon na ito. Aniya, alam naman ng komisyon ang mga developments mula sa Kamara at patuloy nilang hihintayin naman ang bersyon ng batas na mula sa Senado.
Sa katunayan, nagsimula na silang mag-procure ng mga kagamitan para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections katulad na lamang ng mga indellible inks at mga ballot boxes. Ayon kay Garcia, hangga’t hindi pa nagsisimula ang pag-iimprenta ng mga balota, hindi pa naman ito makakaapekto sa gastos ng poll body. Ito kasi ang may pinakamataas na budget na pinaglalaanan ng COMELEC.
Pagtitiyak niya na kahit gumugulong pa ang anumang developments sa Kamara o Senado, tuloy pa rin ang kanilang paghahanda.
Samantala, inanunsiyo rin ni Garcia na matutuloy pa rin ang General Voters Registration sa Hulyo 1 hanggang Hulyo 11 kung sakali man na ipagpaliban ang BSKE. Ito ay para matiyak na may mga makapagparehistro pa rin na mga Pilipino ngayong taon.
Inaasahan kasi na ang susunod na pagpaparehistro na ay sa susunod na taon ng buwan ng Enero. Habang ang overseas voters registration ay dalawang taon ang kanilang nilaan na magsisimula naman ngayong Nobyembre hanggang taong 2027.