-- Advertisements --

Kahit dalawang probinsya na lamang ang natitira, patuloy pa ring lumago ang ekonomiya sa Central Visayas.

Sa kanyang State of the Region’s Address noong Miyerkules,Hunyo 11, binigyang-diin ni Regional Development Council-7 chair at Bohol Gov. Aris Aumentado, na ang paglipat ng Negros Oriental at Siquijor sa bagong rehiyon ay hindi dapat makita bilang isang pagkatalo.

Sa halip, aniya, ito ay isang pagkakataon upang iangat ang SugBohol o Cebu at Bohol bilang isang modelo ng katatagan, inobasyon, at kahusayan sa rehiyon.

Sinabi pa ni Aumentado na ang SugBohol ay hindi lamang isang heograpikong konsepto kundi isang matapang na ideya na naglalayong ipakita ang kapangyarihan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng dalawang probinsya.

Iginiit pa nito na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, matagumpay na naabot ng RDC-7 ang mga layunin nito sa pagpapaunlad ng rehiyon.

Samantala, inulat naman ng opisyal na sa ikalawang magkakasunod na taon ay napanatili ng Central Visayas ang pagkilala bilang fastest-growing economy sa buong bansa.

Tumaas pa sa ₱1.276 trilyon ang Gross Domestic Product (GDP) — na may malakas na paglago na 7.3 percent sa taong 2024.

Patuloy namang nangingibabaw sa ekonomiya dito ang mga serbisyo, na nag-aambag ng 70% sa kabuuang GDP ng rehiyon.

Nakakuha rin ang rehiyon ng P27.96 bilyon sa mga naaprubahang investment para sa 22 proyekto, na nagdulot ng mahigit 3,400 bagong trabaho sa komunidad.

Bumuti naman ang employment rate dito sa 97.1%, ngunit ang underemployment ay nananatiling isang hamon sa 8.6%.

Pinakamalaking tagumpay umano ng rehiyon ay ang pagbaba ng poverty incidence sa mga pamilya mula 22% noong 2021 patungong 12.3% noong 2023, na ang ikalawang pinakamalaking reduction sa buong bansa.

Binigyang-diin pa ng opisyal na ang tagumpay na nakamit ng rehiyon ay hindi aksidente, kundi resulta ng pokus at pagpapatupad ng mga plano at proyekto.