-- Advertisements --

Bagamat wala pa namang naitatalang kaso ng monkeypox sa bansa, nagpaalala pa rin ang isang disease expert na patuloy pa ring sundin ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) health protocols.

Ayon kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, sa pamamagitan kasi ng pagsunod sa mga protocols na itinakda ng pamahalaan ay maiiwasan ang naturang virus na ngayon ay kumakalat na sa Europe at Africa.

Mainam pa rin daw ang pagsusuot ng facemasks at ang pagsunod sa iba pang mga protocols gaya nang laging paghuhugas ng kamay na makakapigil sa transmission at contraction ng monkeypox virus.

Itinuturing naman ni Salvana na less contagious ang naturang sakit kumpara sa COVID-19.

Sakali naman daw na mayroong sintomas ng naturang virus partikular ang vesicles, rashers o blisters ay mas maiging agad magpakonsulta sa doktor.

Sinabi ni Salvana na nagsagawa na rin ang pamahalaan ng sa pamamagitan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng pag-aaral kaugnay ng monkeypox.

Naghahanap na rin daw ang pamahalaan ng commercial testing kits para sa monkeypox na puwedeng bilihin ng ating pamahalaan kapag kakailanganin na.

Wala naman umanong indikasyon nang pangangailangang magkaroon ng malawakang bakunahan para sa monkeypox dahil maita-transmit lamang ito kapag mayroon nang sintomas hindi gaya ng Covid-19 na puwedeng magkaroon ng asymptomatic transmission.

Noong Martes, sinabi ng World Health Organization (WHO) sa isinagawang Meeting of the International Health Regulations kaugnay ng multi-country monkeypox outbreak noong June 23 na ang virus ay hindi pa naman ikinokonsiderang Public Health Emergency of International Concern.

Mula noong buwan ng Mayo, nakapagtala na ang WHO ng 3,040 cases ng monkeypox sa 47 na bansa,

Karamihan daw sa mga infected dito ay ang mga gay, bisexual at ang iba pang kalalakihang nakipagtalik sa kapwa lalaki sa mga urban areas at kabilang sa clustered social and sexual networks.