Tinaasan ng Monetary Board ang key policy rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 0.25 percentage point (25 basis points) sa 6.25% sa gitna ng nananatiling mabilis na inflation noong Pebrero.
Ayon kay BSP Governor Felipe Medalla, tumaas ang key rates sa 5.75% para sa overnight deposit facility, 6.25% para sa overnight borrowing facility, at 6.75% para sa overnight lending facility epektibo bukas, araw ng Biyernes, March 24, 2023.
Paliwanag pa ni Monetary Board chair at BSP Governor Medalla na nakadepende sa magiging assessment sa inflation sa bansa ang magiging desisyon sa susunod na pagpupulong kung magkakaroon ng paggalaw sa kasalukuyang monetary policy cycle.
Ayon pa kay BSP Deputy Governor Francisco Dakila Jr., binabaan ng Monetary Board ang forecast para sa average inflation ngayong taon sa 6% mula sa 6.1% at sa taong 2024 naman sa 2.9% mula sa 3.1%.
Ito ay matapos ang bahagyang pagbaba ng taunang inflation sa 8.6% noong Pebrero.
Binigyang diin naman ng BSP na nakahanda tumugon ang ahensiya sakaling kailanganing para mapabagal ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o inflation sa 2 % hanggang 4%.