Pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng naka-schedule at nakaplanong pagkukumpuni at iba pang mga roadwork sa ilan sa mga pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR).
Ito ay bilang bahagi ng paghahanda para sa FIBA World Cup 2023.
Sinabi ni MMDA chairman Don Artes na ang pagsuspinde sa lahat ng roadworks ay nakapaloob sa isang memorandum circular na sumasaklaw sa re-blocking, utility works, pipe laying, road upgrading, excavation works mula hatinggabi ng Agosto 17 hanggang hatinggabi ng Setyembre 10.
Dagdag pa ng opisyal na ang pagsasagawa ng mall-wide sales ay ipagbabawal din sa mga mall sa kahabaan ng EDSA at iba pang lugar na apektado ng FIBA World Cup 2023.
Ang nasabing hakbang ay upang matiyak na ang lahat ng apektadong kalsada ay mananatiling madadaanan, malinis, ligtas, at magagamit sa lahat ng uri ng sasakyan at pedestrian sa nasabing panahon.
Sinabi ni Artes na ang kautusan ay inilabas sa lahat ng kinauukulang tanggapan, kabilang ang Department of Public Works and Highways-NCR Engineering Districts, local government units, utility companies, contractors, at shopping mall operators.
Ang Pilipinas kasi ay magiging co-host ng FIBA World Cup ngayong taon kasama ang Japan at Indonesia, simula Agosto 25 ng kasalukuyang taon.