-- Advertisements --
image 342

Inirekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang pamunuan o mga operator ng motor ride hailing applications ay dapat magpataw ng administrative sanction sa mga rider na lalabag sa traffic rules.

Ito ay habang nakatakda ring simulan ng MMDA ang pagpapataw ng P500 na multa sa mga rider na naghahanap ng silungan dahil sa ulan o init sa ilalim ng mga footbridge at overpass simula Agosto 1.

Ayon kay MMDA acting chairman Romando Artes, ang pagsilong sa ilalim ng mga footbridge at flyover ay delikado sa mga rider at iba pang motorista na maaaring nagdudulot din ng pagsisikip ng trapiko.

Tiniyak ng mga kinatawan ng ride-hailing application sa MMDA na paalalahanan nila ang kanilang mga driver na mahigpit na sumunod sa mga traffic rules and regulations.

Sinabi ni Artes na nagpahayag na ng suporta ang mga gasoline station operator sa MMDA sa paglalagay ng mga tent bilang pansamantalang silungan ng mga motorista.

Aniya, hiniling ng mga operator ng gasolinahan sa MMDA na isumite ang panukala at mga alituntunin sa paggamit ng mga tolda upang matugunan ang mga alalahanin sa kaligtasan ng mga riders.

Top