-- Advertisements --

Naniniwala si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na dapat purihin ang ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nagpaturok ng hindi otorisadong COVID-19 vaccine dahil nilagay daw ng mga ito sa peligro ang kanilang mga buhay para lang siguruhin na magiging ligtas si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na kahit hindi pa nakakatanggap ng approval mula sa Food and Drugs Administration (FDA) ang ginamit na bakuna ay nagdesisyon pa rin ang PSG na magpaturok nito bilang pagtupad sa kanilang tungkulin na protektahan ang Pangulo mula sa COVID-19.

Hindi aniya maituturing na krimen ang ginawa ng PSG, sa halip daw na batuhin ang mga ito ng kung ani-anong kritisismo ay dapat palakpakan na lang daw ang mga ito ayon kay Panelo.

Kabilang din daw ang PSG sa priority list na unang tatanggap ng COVID-19 vaccine. Dahil dito ay hindi raw nabago ang priority list para sa vaccination program ng gobyerno.

Ani pa ni Panelo, kahit nakasaad umano sa batas na kailangan pa ng approval mula sa FDA ang anumang bagong gamot ay napatunayan na raw sa mga clinical studies na ginawa sa bakuna na ligtas at epektibo itong gamitin ng publiko.

Hindi rin daw dapat isisi sa PSG ang paggawa, import, export, pagbenta o pamamahagi ng mga hindi otorisadong bakuna dahil ang tanging ginawa lamang ng mga ito ay magpaturok.

Binigyang-diin din ni Panelo na hindi ginamit ng PSG ang pondo mula sa gobyerno para bakunahan ang kanilang mga sarili subalit donasyon daw ang mga gamot na kanilang ginamit.