Nabuo na ng Kamara ang kanilang 21-member group sa bicameral conference committee na tatalakay at mag-sasapinal ng P4.506-trillion proposed 2021 national budget.
Kasabay nito ay sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na dapat matiyak na bago pa man matapos ang taon ay nasa opisina na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kopya ng General Appropriations Bill upang sa gayon ay maiwasan ang reenacted spending prorgam.
Ito ay para na rin maiwasan ang mabagal na pagbangon ng ekonomiya ng bansa at maapektuhan ang serbisyong ibinibigay naman ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang House contingent ay pangungunahan ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap.
Makakasama ni yap ay sina vice-chairmen Deputy Speakers Salvador “Doy” Leachon at Mikee Romero at 16 members mula sa majority, na sina: Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Pampanga Rep. Juan Pablo “Rimpy” Bondoc, Rizal Rep. Michael John Duavit, Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, at Sulu Rep. Munir Arbison.
Kabilang din sa House contingent sa bicameral conference committee sina Deputy Speaker Loren Legarda, Assistant Majority Leader Kristine Singson-Meehan, Deputy Speaker Roberto Puno, Deputy Speaker Jose “Lito” Atienza, Batangas Rep. Eileen Ermita-Buhain, Valenzuela Rep. Eric Martinez, Abra Rep. Joseph Bernos, Albay Rep. Joey Salceda, at Valenzuela City Rep. Weslie Gatchalian.
Kasama rin sa listahan sina Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano at independent lawmaker Albay Rep. Edcel Lagman.