CAGAYAN DE ORO CITY – Isasampa ng pulisya ang kasong concubinage laban sa asawa na isang malaking opisyal ng pribadong kompaniya nang mahuli ng misis kasama ang ilang pulis sa lodging house habang ipinagdiriwang ang Valentine’s Day sa Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Carmen Police Station commander Maj Jelesis Teves na unang humingi ng tulong ang hindi muna pinangalanan na elected barangay official matapos natunton na ng global positioning system (GPS) ang lokasyon ng kanyang asawa na kinakasama ang isang mas bata na babae sa loob ng lodging house.

Inihayag ni Teves na hindi na palalagpasin ng misis ang umano’y pagtataksil ng mister dahil makailang beses na itong pinaggagawa sa kanya.

Dagdag ni Teves na maging umano siya ay kumbinsido na mayroong ginawa na labag sa batas ang mister at hindi muna pinangalanan na babae habang nasa loob ng lodging house.

Magugunitang dinala pa sa ospital matapos naaresto ang mister dahil bigla umanong sumikip ang dibdib nito.

Una rito, sinabi ng source ng Bombo Radyo na kaya nahuli ang mga suspek ay dahil kinabitan ng GPS ni misis ang sasakyan ng dalawa kaya natunton ang lokasyon habang pumasok sa lodging house noong gabi ng Valentine’s Day.