Reading Time: 2 minutes

Abala sa last minute rehearsal ang 40 kandidata ng 2019 Miss World Philippines, ilang oras bago ang coronation night ngayong Setyembre 15.

Kahit ang mga matunog ang pangalan na paboritong manalo tulad ng modelo at anak ni Melanie Marquez na si Michelle Dee, gayundin ang dating child star na si Isabelle de Leon, at dating miyembro ng GirlTrends na si Kelley Day, ay puspusan pa rin ang paghahanda.

“Win or Lose I hope to make you guys proud, i’ll make sure to DO MY VERY BEST TONIGHT!! as one chapter ends, remember that a new journey begins, and we call it TOMORROW :)” saad ni de Leon na nakilala sa kanyang pagganap bilang best friend ng noo’y child star din na si Jiro Manio sa pelikulang “Magnifico” noong 2013.

“Feeling so grateful” naman daw si Dee na isa sa Top Model finalists sa kompetisyon.

Ilan sa mga major award sa Miss World Philippines ay ang pagiging kinatawan ng bansa sa Miss World, gayundin sa Reina Hispanoamericana pageant.

Noong nakaraang taon, bigo ang pambato ng Pilipinas sa Miss World na si Katarina Rodriguez matapos itong hindi na makausad pa sa Top 30.

Pero naging abot-kamay naman ni Katarina ang 2017 Miss Intercontinental crown matapos tanghaling first runner-up.

Sa ngayon ay mayroon pa lamang isang Miss World crown ang Pilipinas sa pamamagitan ni Megan Young (cover page of this article).

Hindi rin naibigay ni Alyssa Muhlach Alvarez ang back-to-back Reina Hispanoamericana titles sa bansa, kasunod ng tagumpay ni “Winwyn” Marquez na siyang first ever Pinay na nakasungkit sa naturang pagkilala.

Si Alyssa ay kabilang sa showbiz clan kung saan magulang nito ang aktres na si Almira Muhlach at dating PBA (Philippine Basketball Association) star Bong Alvarez, habang tito niya si Aga Muhlach.

Samantala, hindi makakadalo si Aiko Melendez na isa sa mga judge ng grand coronation ngayong gabi.

Ito’y matapos isinugod ang 43-year-old actress sa ospital kagabi nang mamanhid ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan at kinailangang sumailalim sa ilang medical tests.

Hindi naman mild stroke, bagkus ay “complicated migraine” ang dinanas ni Melendez at binigyan ng maintenance medicine ng kanyang doktor.

“I would like to send my apologies to the organizers of Ms World Pageant. For i will not be able to make it later to judge,” bahagi ng online post ni Aiko.