LEGAZPI CITY – Umaasa ang Sorsogon na makakasabak pa sa kompetisyon ang kanilang pambato sa Miss Universe-Philippines (MUP).
Ito’y matapos magpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang Sorsogon bet na si Maria Isabela Galeria, 22-anyos.
Nasa isolation facility na si Galeria na isang rehistradong nurse, at ama na si Municipal Councilor Noli Galeria, 55-anyos mula sa bayan ng Matnog.
Ayon kay Dong Mendoza, tagapagsalita ni Governor Chiz Escudero sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sakaling maka-recover na sa COVID ang beauty queen, hiling nito sa MUP organizers na payagan si Galeria upang hindi masayang ang ilang buwang pagsailalim sa training.
Mula sa Metro Manila ang mag-ama at nakaranas umano ng mga sintomas kaya agad na nagpa-swab test kung saan nakumpirma na positibo ito sa deadly virus.
Sa kabila nito, hindi naman inaalis ng mga medical workers sa Sorsogon ang posibilidad na sa lalawigan nakuha ng mag-ama ang virus kaya nagpapatuloy ang contact tracing.
Samantala sa Instagram post ni Galeria, lubhang ikinalulungkot umano nito ang nangyari kasabay ng paghingi ng tawad at panalangin.
Nakipag-ugnayan na rin aniya siya sa mga nakasalamuhang team at kapwa MUP candidates sa Manila, na pawang negatibo naman sa virus.
Kabilang si Galeria sa Top 15 ng Binibining Pilipinas 2019 pageant at muli sanang sasabak kabilang ang 51 kandidata sa hangaring masungkit ang Miss Universe Philippines title sa finals night sa darating na Oktubre 25.