KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency-2 ang isang misis matapos mahuli sa tangkang pagpupuslit ng shabu sa loob ng South Cotabato Provincial Rehabilitation and Detention Facility.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato provincial jail warden Felicito Gumapac, agad na isinailalim sa interogasyon ang isang Joy Marcera, 41-anyos na residente ng Barangay Avanceña, Koronadal City, matapos makuha sa posisyon nito ang isang medium pack na shabu.
Napag-alaman na inilagay ni Marcera ang shabu sa kaniyang makapal na tsinelas sa pamamagitan ng paggawa ng compartment sa loob nito at nilagyan lamang ng glue upang matakpan ang iligal na droga.
Umaabot sa P100,000 ang halaga ng shabu na narekober kay Marcera na ibibigay sana nito sa mister na nakakulong sa provincial jail.
Ikukulong naman si Marcera sa hiwalay na jail facilty upang hindi makapagpatuloy sa iligal na mga aktibidad ang mag-asawa.