-- Advertisements --

Isang minor phreatomagmatic eruption ang naitala sa Bulkang Taal sa Batangas nitong madaling-araw ng Huwebes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Naganap ang pagsabog bandang ala-1:02 ng madaling-araw ayon sa kuha ng thermal cameras ng ahensya na nakatutok sa bulkan.

Nagbuga ang Bulkang Taal ng plume na may halong usok at singaw na umabot sa tinatayang 900 metro ang taas mula sa Main Crater.

Ang naturang volcanic activity ay kuha ng Daang Kastila Observation Station (VTDK) at Main Crater Observation Station (VTMC) thermal cameras.

Paliwanag pa ng state volcanologist na ang phreatomagmatic eruption ay nagaganap kapag nagkaroon ng interaksiyon ang tubig at mainit na magma o iba pang volcanic materials. Nagdudulot ito ng pagsabog ng singaw, abo, at iba pang materyales mula sa bulkan.

Sa kabila ng insidente, sinabi ng PHIVOLCS na nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang tyansa ng volcanic unrest at wala pang indikasyon ng pagputok.