-- Advertisements --

Inihayag ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na ang pagtaas ng suweldo para sa mga dayuhang domestic worker sa Hong Kong, katumbas ng P750 sa piso ng Pilipinas, ay magiging kapaki-pakinabang para sa mga overseas Filipino worker (OFWs).

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang mga Filipino domestic worker sa Hong Kong ay kikita na ngayon ng P35,475, matapos ipahayag ng gobyerno ng Hong Kong noong Setyembre 30 na magtataas ito ng minimum na pinapayagang sahod at food allowance para sa mga foreign domestic workers.

Ang food allowance na ito ay ibinibigay lamang sa mga domestic worker na nakatira sa labas ng tirahan ng kanilang amo.

Sinabi rin ng ahensya na ang development na ito ay nagdulot ng mga positibong reaksyon mula sa Filipino community na nagtatrabaho sa Hong Kong.

Sa pagbanggit sa datos mula sa Hong Kong Immigration Department, sinabi ng ahensiya na mayroong 188,171 OFWs sa Hong Kong hanggang sa katapusan ng Agosto 2022.

Ito ay umabot sa higit sa kalahati ng tinatayang 333,000 migrant domestic worker labor force ng lungsod.