Isa pang lider mula sa Mindanao ang dumagdag sa mga nananawagan na itigil na ang unconstitutional na panukala na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas at iginiit na nagkaroon at mayroong sapat na kinatawan ang rehiyon sa gobyerno gaya nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dating Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, Vice President Sara Duterte at Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ipinaalala rin ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, isang miyembro ng House Committees on Mindanao Affairs at on Muslim Affairs, na nagmula rin sa Mindanao sina dating Vice President Teofisto “Tito” Guingona Jr., na bagamat ipinanganak sa San Juan ay lumaki sa Mindanao; datong Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., at dating Senate President-turned Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Nauna rito, tinutulan nina House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng House Committee on constitutional amendments, at Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo ang isinusulong na paghiwalay ng Mindanao sa bansa.
Ikinagulat naman ni 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez, isang abugado at miyembro ng House committee on constitutional amendments, ang naging pahayag nina Alvarez at dating Pangulong Duterte dahil taliwas umano ang isinususlong nilang paghiwalay ng Mindanao sa nakasaad sa Konstitusyon.
Hinamon naman ni La Union Rep. 1st District Rep. Francisco Paolo V P. Ortega, isang miyembro ng House Committee on Public Order and Safety, si dating Pangulong Duterte na maging makabansa ay irekonsidera ang kanyang panawagan na ihiwalay ang Mindanao dahil, gaya ng nakasaad sa Bibliya, ang isang bahay na watak-watak ay hinid makatatayo.
Iginiit rin ni Adiong, isang miyembro ng House committee on national defense and security, ang kahalagahan na irespeto ang Konstitusyon at ang demokratikong proseso. Ang paghiwalay umano sa Mindanao ay taliwas sa nakasaad sa Konstitusyon, ani Adiong.