KORONADAL CITY – Emosyonal na umapela sa pamamagitan ng Bombo Radyo si Pastor Isaac Piang na tulungang mailigtas ang ilan pang mga residente sa kanilang barangay na hanggang sa ngayon ay na-trap matapos ang malakas na pagyanig ng lindol.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Pastor Piang, isa sa libu-libong survivors at bakwit sa Makilala, North Cotabato, sinabi nito na maswerte sila ng kaniyang pamilya at iba pang residente na nakababa sa bulubunduking bahagi ng Prk. 4 Barangay Luayon sa Makilala, North Cotabato, bago pa man lumala ang landslide.
Gayunman, marami pa rin aniya ang hindi nakababa at posibleng na-trap sa kanilang mga bahay o sa daan pababa ng bundok.
Napag-alaman na libu-libong evacuees na ang nasa “open area” na labis na nangangailangan ng tulong gaya ng pagkain, malinis na tubig, gamot, damit at temporaryong tirahan.
Bakas din ang kalungkutan ng pastor habang inilalarawan ang sitwasyon nila na nagtitiis sa lamig tuwing gabi dahil wala silang naisalbang damit o mga gamit pangontra sa lamig habang natutulog sa tent.