KORONADAL CITY – Hinimok ni Department of Science and Technology o DOST Undersecretary Renato Solidum ang mga mamamayan na maging handa anumang oras lalo na sa Mindanao.

Ito’y sa gitna ng sunod-sunod na aftershocks na umabot na sa mahigit 500 matapos ang pagtama ng magnitude 6.3 na lindol nitong Miyerkules ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay DOST Undersecretary Solidum, pinakabagong na aftershock ang naitala kanina pasado alas-6:00 ng umaga na sa lakas na magnitude 5.0 at ang sentro pa rin nito ay sa Tulunan, North Cotabato.

Naramdaman din ang Intensity IV sa Kidapawan City, habang sa Instrumental Intensities ay Intensity IV – Malungon, Sarangani; Koronadal City, South Cotabato, Intensity III – General Santos City; Alabel, Sarangani; Tupi, South Cotabato at Intensity I – Kiamba, Sarangani.

Hindi rin aniya dapat ipagsawalang-bahala ang mga mahihinang lindol dahil posibleng senyales ito ng paparating na mas malakas pang pagyanig.

Hinimok naman ni Solidum ang publiko na gamitin ang Hazard Hunter mobile app ng DOST na isang fault finder application na kayang tukuyin ang mga lugar na may mataas na panganib sa oras na may tumamang lindol.