KORONADAL CITY – Suspendido ang klase sa ilang mga lugar sa Rehiyon 12 kasunod ng serye ng malalakas na lindol na yumanig noong nakaraang buwan.
Ayon sa mga opisyal, ito’y upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga paaralang pininsala ng lindol.
Sa Lungsod ng Koronadal, iniutos ni Mayor Eliordo Ogena na walang klase sa lahat ng antas simula ngayong araw hanggang bukas, Nobyembre 5.
Maliban dito, idineklara rin ang isang linggong suspension of classes sa buong North Cotabato upang masilip ng husto ng mga City at Provincial Engineers ang mga school buildings upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.
Samantala, naglaan ng P200,000 na emergency financial assistance ang Koronadal city government para sa mga apektadong mamamayan bunsod ng lindol.
Ayon kay Mayor Ogena, P150,000 na cash assistance sa North Cotabato ang kanilang ipapadala ngayong linggo, habang P50,000 sa Davao del Sur bilang dagdag na tulong sa nagpapatuloy na relief operations.