Nagpahayag ng suporta sa Kamara de Representantes ang mga kongresista mula sa Mindanao sa gitna ng mga walang basehang batikos mula sa mga hindi masaya sa ginawa nitong paglilipat ng confidential funds sa ilalim ng proposed 2024 national budget.
Sa magkakahiwalay na post, nagpahayag ng pagsuporta sina Reps. Ace Barbers (Surigao del Norte), Cheeno Miguel D. Almario (Davao Oriental), Maricar Zamora (Davao de Oro) at Francisco Jose “Bingo” Matugas (Surigao del Norte) kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ipinahayag ng mga kongresista ang kanilang suporta sa Kamara na maganda umano ang ipinakikita, bilang reaksyon sa pag-atake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binatikos ni Duterte ang Kamara matapos nitong alisin ang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na kapwa pinamumunuan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Ang inalis na pondo ay inilipat ng Kamara sa mga ahensya na nagbibigay ng seguridad sa bansa partikular sa West Philippine Sea.
Pinasinungalingan din ni Barbers ang pahayag ni Duterte na mayroong pork barrel ang Kamara na dapat silipin ng Commission on Audit (COA).
Sinabi ni Barbers na buo ang suporta nito ang Kamara at magpapatuloy umano itong magtatrabaho upang mapanatili ang kapayapaan at mapaunlad ang mga Pilipino.
Ipinahayag din in Almario of Davao Oriental ang kanyang pagsuporta kay Speaker Romualdez.
Sinabi ni Almario na bagamat iginagalang nito ang opinyon ni dating Pangulong Duterte, iba umano ang nakalagay sa report ng COA.
Dagdag pa ni Almario na naipakita ni Speaker Romualdez ang dedikasyon nito para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Nagpahayag din ng suporta si Zamora sa Kamara at kay Speaker Romualdez.
Sinabi ni Zamora na naging masigasig ang Kamara sa pagbabantay at pagtiyak na naipatutupad ng gobyerno ang mga proyekto na kailangan ng mamamayang Pilipino.
Taus-puso naman umano ang pagsuporta ni Matugas kay Speaker Romualdez.