-- Advertisements --

Inaaral na umano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na i-enroll ang karamihan ng mga Pilipino sa national ID system sa taong 2022.

Sinabi ni DILG spokesman at Undersecretary Jonathan Malaya na kailangang magkaroon ng national ID ang lahat ng Pinoy pero dapat munang ilatag ang schedule nito.

Uunahin aniya ng ahensya ang household heads mula sa 32 probinsya para pagdating daw ng 2022 ay karamihan sa ating mga kababayan ang mayroong national ID.

Ayon kay Malaya, ang national ID ay gagawin upang maging iisa na lamang ang valid proof of identity ng isang indibidwal.

Sa ngayon daw kasi ay marami pa ring Pilipino ang wala pa ring kahit isang ID at mas pinipili nilang gamitin ang sedula.

Una nang inanunsyo ng DILG na sisimulan nito ang pre-registration para sa national ID system sa mga nanay o tatay sa kabila ng banta ng coronavirus pandemic.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System (PhilSys Act) o Republic Act No. 11055 noong Agosto 18, Ang batas na ito ay naglalayong isantabi ang sandamakmakna ID na kailangang kunin ng isang tao mula sa iba’t ibang ahensya ng bansa at gawin na lang ito bilang single national identification system.