CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kaso ng mga otoridad pulisya ang tatlong katao na responsable umano nang pagpapalusot ng milyun-milyong halaga ng smuggled cigarettes na unang naharang sa Barangay Southern Looc,Plaridel,Misamis Occidental.

Nagkunwari umano ang mga suspek na sina Crisjay Tillo, Erven Rey Jocson at Hesam Latip na oil products ang sakay ng panel van na hinarang ng pulisya sa checkpoint mula sa biyahe nito sa Dipolog City ng Zamboanga del Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Plaridel Police Station commander Capt June Jose Booc na agad nila naharang ang mga suspek na lahat ay taga- Dipolog City nang ipinagbigay alam sa kanila ang pagpapalusot ng kontrabando.

Inihayag ni Booc na kaagad nilang ininspeksyon ang panel van noong makapasok ito sa kanilang lugar. Dito ay tumambad sa kanila ang karton ng mga sigarilyo na walang kaukulang dokumento.

Sa ngayon ay nakakulong ang mga suspek habang hinihintay ang utos ng korte na mailipat ang mga ito sa regular jail ng probinsya.