-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang may-ari at mga tauhan nito na nasa likod nang pagtatanim ng halos walong libo ng puno ng suspected marijuana sa isang lupain sa Sitio Bagalbal,Barangay Guinuyoran,Valencia City,Bukidnon.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na mga tauhan ng kanilang Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit 10 at 2nd Provincial Mobile Force Company ang lumusob sa plantasyon dahilan na nakompiska ang halos P1.5 milyon halaga ng ‘live marijuana plants.’

Sinabi ni Navarro na agad inikutan ang bisinidad ng plantasyon subalit hindi na nakita kahit ang mga anino ng mga posibleng nagtatanim ng ilegal na droga.

Nag-desisyon na rin ang mga otoridad na sunugin mismo sa lokasyon ang nakompiska na ilegal na droga at binuhusan ng kemikal upang hindi mapapakinabangan pa.

Bagamat inihanda pa rin ng pulisya ang mga hawak na ebedensiya upang madaling isampa ang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 kung mahuli na nila ang nasa likod ng ilegal na gawain.