Naging matagumpay ang pagpupulong ng mga matataas na opisyal ng militar sa pamumuno ni 6th Infantry Division commander B/Gen. Cirilito Sobejana at mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ginanap sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat sa Maguindanao.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na buhos ang attendance ng mga military officers o halos buong command ng 6th Infantry Division na dumalo sa nasabing pagpupulong at nagtungo sa mismong kampo ng MILF.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi na kanilang pinag-usapan ang peace order sa buong Maguindanao area sakaling maipatupad na ang Bangsamoro Organic Law.

Ayon sa heneral wala namang mga pagbabago na ipapatupad ang pamunuan ng AFP sakaling gagana na ang Bangsamoro government.

Inihayag naman ni Sobejana na balak din nilang imbitahan ang mga opisyal ng MILF sa kampo din ng militar.