MANILA – Ang mga mild to moderate, asymptomatic na pasyente ng COVID-19 ang kasali sa isasagawang clinical trial ng ivermectin sa Pilipinas.
Ito ang inamin ni Dr. Jaime Montoya, ang Executive Director ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), na mangangasiwa sa pag-aaral.
“Base sa pag-aaral ng PSMID (Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases) at mga eksperto natin, tiningnan yung mga naisagawang clinical trial, ito ang may kakulangang ebidensya, yung para sa mga non-severe (mild at moderate) at asymptomatic,” ayon sa opisyal.
Karamihan din daw kasi sa mga aktibong kaso ng COVID-19 ngayon sa bansa ang mula sa nabanggit na populasyon.
“Kaya nakikita natin na ito talaga ang bagay na paggawan ng pag-aaral sa ngayon para kung sakaling may benepisyo, mas malaking makikinabang na populasyon.”
Nilinaw ni Montoya na hindi kasali sa mga pag-aaralan ang mga COVID-19 patients na naka-home quarantine.
Dahil wala pang rehistradong ivermectin para sa COVID-19 sa Pilipinas, posibleng mag-angkat daw ang pamahalaan mula sa ibang bansa.
Maaari rin daw kumuha ang gobyerno sa local manufacturer ng ivermectin, kapag naaprubahan na ang aplikasyon nito sa pagpapa-rehistro bago magsimula ang trial.
Una nang sinabi ng DOST-PCHRD na posibleng sa katapusan ng buwan o sa unang linggo ng Hunyo magsimula ang anim na buwang pag-aaral.
Si Dr. Aileen Wang ng UP-Philippine General Hospital ang mangunguna sa clinical trial, na target makapag-enroll ng 1,200 na pasyente.
“Yung research team nabuo na, ginagawa na yung research protocol. Ito yung disenyo kung paano gagawin, saan, gaano katagal gagawin, at anong mga populasyon ang isasama.”
Posibleng sa unang quarter pa ng 2022 lumabas ang resulta ng clinical trial, pero naka-depende raw ito sa bilis ng recruitment sa mga sasali ng pag-aaral.
“Kapag ang protocol ay naaprubahan na ng FDA, wala naman kaming nakikitang problema kasi may na-identify na kaming quarantine facilities.”
Ayon sa World Health Organization at European drugmaker na Merck, walang sapat na ebidensyang mabisa at ligtas laban sa coronavirus ang ivermectin.