DAGUPAN CITY — Ang malaman ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Israel, lalong lalo na ang mga nagtatrabaho o pinakamalapit sa pinaka-sentro ng sagupaan sa pagitan ng bansa at ng Hamas.
Ito ang pinakamahalagang tinututukan ng Migrante International sa kanilang pakikipagugnayan sa mga miyembro sa Israel upang kausapin at alamin ang iba’t iba nilang mga pangangailangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Joanna Concepcion, Chairperson ng naturang organisasyon, sinabi nito na direkta na rin silang nakikpaguganayan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang maiparating sa kanila ang mga hinaing ng mga Filipino na naiipit sa giyera sa pagitan ng Israel at Palestine.
Aniya na isang mahalagang bagay ang pagpapa-repatriate sa mga Filipino sa Israel, lalo na’t isang nakakalungkot na pangyayari ang pagkasawi ng dalawang OFW sa bansa, kaya hindi rin nawawala sa kanilang ang pagalalala at pangamba para sa iba pang mga Filipino na nananatili sa nasabing bansa.
Kaya naman mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw at sistematikong repatriation at evacuation plans ang gobyerno upang maalis sa mga delikadong lugar ang mga Filipino at malayo sila sa panganib.
Hinihiling pa ng mga ito ang mas maayos at mas mabilis na linya ng komunikasyon sa gobyerno lalong lalo na dahil nahihirapang makakonekta ang ibang mga Filipino sa ibinigay na hotline ng Department of Foreign Affairs, at huwag nang hintayin pa ng pamahalaan na lalo pang lumala ang sitwasyon bago sila gumawa ng pagtugon dito.