May natukoy ng bansa ang pamahalaan para maging staging area ng mga Pilipinong ililikas sa Middle East sakaling tuluyang sumiklab ang giyera sa pagitan ng US at Iran.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Felimon Santos, nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Saudi Arabia at Qatar na tinukoy nilang “safe staging area.”

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng AFP ang approval ng kanilang hiniling na diplomatic clearance sa mga nasabing bansa alinsunod sa proseso.

Naka-standby na rin ang C-130 plane at mga frigates ng Philippine Navy na gagamitin para sa repatriation ng mga Pilipino.

Siniguro naman ni Santos na nakahanda ang AFP na iligtas ang mga Pilipino na mata-trap o maiipit sa labanan pero nakadepende ito sa desisyon ng mga matataas na lider ng pamahalaan.

-- Advertisement --

Samantala, tiniyak ng AFP chief na nakahanda ang mga sundalong idedeploy sa Middle East na idepensa ang kanilang sarili sakaling sila ay atakihin.

Pero nilinaw ni Santos na hindi gagawa ng offensive action ang mga sundalo.

Malabo rin aniya na pati ibang bansa ay idadamay ng Iran dahil ang kanilang target ay US.

Aniya, misyon ng dalawang batalyon ng sundalo ay humanitarian mission at hindi sasali sakaling sumiklab ang giyera.

Manggagaling sa Philippine Army at Philippine Marines ang ipapadalang dalawang batalyon na sundalo.