-- Advertisements --

Nagtipun-tipon ang nasa 4,300 attendees ngayong araw sa Tokyo, Japan para magbigay pugay sa state funeral ng longest-serving Prime Minister Shinzo Abe na pumanaw matapos ma-assassinate noong Hulyo habang nangangampaniya para sa eleksyon.

Nasa 700 foreign dignitaries mula sa 218 bansa, regions at international organizations ang dumalo sa state funeral kabilang sina U.S. Vice President Kamala Harris, Australian Prime Minister Anthony Albanese, Indian Prime Minister Narendra Modi ,South Korean Prime Minister Han Duck-soo at Vice President Sara-Duterte Carpio

Nabigyan din ng pagkakataon ang publiko na mag-alay ng bulaklak sa malapit na parke habang naging kontrobersyal naman ang isinagawang state funeral matapos ang inilunsad na kilos protesta sa Tokyo at iba pang lugar dahil sa napakalaking pondo na ginamit mula sa kaban ng taumbayan na tinatayang nasa 1.7 billion yen ($12 million).

Naging mahigpit naman ang ipinatupad na seguridad sa funeral na isinagawa sa Nippon Budokan kung saan nasa 20,000 police officers ang pinakalat sa Tokyo.

Sa funeral procession, idinaan ang urn ni Abe sa Defense Ministry bago ito dinala sa Nippon Budokan sa Chiyoda Ward. Ang maybahay ni Abe na nakasuot ng itim na kimono ang nagdala sa urn patungo sa loob ng funeral venue kasabay ng pag-aalay ng Self-Defense Forces artillery ng 19 gun salutes bilang bahagi ng tradisyon.

Nag-alay naman ng eulogies o papuri si Prime Minister Fumio Kishida na kasabayan ni Abe na naging lawmaker at si dating PM Yoshihide Suga na nagsilbing chief cabinet secretary sa ilalim ng administrasyon ni Abe sa halos walong taon.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng Japan na nabigyan ng state funeral ang dating PM sa ilalim ng kasalukuyang Constitution kung saan ang unang state funeral ay noong 1967 kay dating Prime Minister Shigeru Yoshida.