Pormal nang nagsimula na manungkulan bilang ika-38 Phil. Air Force (PAF) commanding general si Major General Connor Anthony D Canlas Sr.
Pinalitan ni MGen. Canlas si dating Air Force Chief Lt. Gen. Allen Paredes na nagretiro na sa serbisyo.
Ang Change of Command at Retirement Ceremony ay isinagawa kahapon sa PAF Multi-Purpose Gymnasium, Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City na pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Si Canlas ay nagtapos ng cum laude sa Philippine Military Academy (PMA) “Makatao” Class of 1989, kung saan pang lima siya sa klase at tumanggap ng Philippine Constabulary Saber Award.
Naging miyembro si Canlas ng Phil. Air Force noong 1991 matapos unang magsibli sa Philippine Constabulary.
Nagtapos siya ng pilot training noong 1993 na una sa kanyang klase at tumanggap ng McMicking Award.
Sa talumpati ni Canlas, kaniyang pinuri ang service leadership na meron ngayon ang PAF, ang patuloy na improvements at ang remarkable changes sa kanilang organisasyon na kanilang ipinagmamalaki sa ngayon.
Pinuri rin ni Canlas si Paredes na sa panahon ng kaniyang pamumuno, ipinakita nito ang tunay na ibig sabihin ng “malasakit” sa kabila ng iba’t ibang kalamidad lalo na ang COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ni Canlas na bilang kaniyang successor gagawin nito ang lahat at ipagpatuloy ang mga programa lalo na ang modernization program ng PAF lalo na ang Flight Plan (2028).