Nanguna si United Nations Secretary-General Antonio Guterres na nagkondina sa pag-atake sa isang daycare center sa Thailand.
Sinabi ng kaniyang tagapagsalita na si Stephane Dujarric na isang nakakalungkot na pangyayari ang naganap na mass shooting.
Nagpaabot na rin ito ng pakikiramay sa mga kaanak ng nasawing biktima.
Ilang mga bansa ang nagpaabot na rin ng pakikiramay gaya ni British Prime Minister Liz Truss na ito ay nagulat ng marinig ang balita.
Habang hindi lubos maisip naman ni Australian leader Anthony Albanese na nangyari ang insidente.
Magugunitang aabot sa 38 katao na ang nasawi kabilang ang suspek ng pagbabarilin nito ang daycare center sa Nong Bua Lamphu province.
Matapos kasi na pagbabarilin ng 34-anyos na suspek na si Panya Khamrab ay binaril nito ang kaniyang sariling anak at asawa bago nagpakamatay.
Ang suspek na dating pulis ay sinibak sa puwesto dahil sa paggamit ng iligal na droga.
Naniniwala ang mga otoridad na nasa ilalim ng pinagbabawal na gamot ang suspek ng mangyari ang insidente.
Agad naman na ipinag-utos ni Thailand’s Prime Minister Prayuth Chan-ocha ang mabilisang imbestigasyon sa insidente.
Nakatakda ring bisitahin ni Thailand King Maha Vajiralongkorn at Queen Suthida ang mga sugatan biktima sa pagamutan kung saan tiniyak nila ang tulong ng gobyerno para sa mga biktima.