-- Advertisements --

Inamin ng Department of Education (DepEd) na hindi lahat ng self-learning modules ay dumaan sa quality assurance bago ito ipamahagi sa mga estudyante.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, sinubuksan umano nila na i-check ng mabuti ang bawat SLMs ngunit hindi pa rin nila maiwasan ang mga maling impormasyon na makalusot.

Kasunod ito ng pag-viral ulit sa social media kung saan makikita ang mga pagkakamali o nakakalitong tanong sa mga printed materials na hinihinalang galing sa DepEd.

Dagdag pa ni San Antonio na hindi pa nila natitiyak kung ang mga ito ay gawa ng DepEd o mula sa private sector counterpart nito.

Nakiusap din ito sa publiko na sa tuwing may ganitong mga pagkakamali na makikita sa mga SLMs ay huwag kaagad ibunton ang sisi sa DepEd. Dapat aniya ay alamin muna kung sino talaga ang dapat managot upang mabigyan ng pagkakataon na magpaliwanag.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na aniya ng ahensya na mag-hire ng mas marami pang proofreaders para tugunan ang problema.

Bukas din ang tanggapan ng DepEd sa mga indibidwal na handang mag-volunteer bilang proofreaders at i-check ang mga lessons bago ito iere sa DepEd TV.