Ikinatuwa ng ilang mga vendors sa lungsod ng Maynila na mabibigyan na sila ng pagkakataon na sumailalim sa COVID-19 testing.
Ito ay matapos na ipahayag ni Manila City Mayor Isko Moreno na inaayos na ng Manila Health Department ang pagsasagawa ng swab testing ng mga vendors.
Isasagawa lamang aniya ito kapag naitayo na ang pangalawang testing laboratory na matatagpuan sa Sta. Ana Hospital.
Ang nasabing hakbang ayon sa alkalde ay para matiyak na ligtas sa anumang sakit lalo na sa COVID-19 ang mga nagtitinda sa palengke.
Mapapanatag din aniya ang loob ng mga mamimili dahil sa hindi sila mahahawaan ng virus kapag sumailalim na sa testing ang nasabing mga vendors.
Nauna ng nagpamahagi ng mga face masks at face shields ang city government sa mga vendors para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.
Matapos ang mga market vendors ay kanilang isusunod ang mga tribike drivers at mga driver ng pampasaherong sasakyan sa lungsod na laging nasa kalsada.
Umaabot naman sa mahigit 25,000 na swab test ang naisagawa na ng lungsod ng Maynila.
Magugunitang naunang isinailalim sa swab testing ang mga vendors at jeepney drivers ng lungsod ng Makati noong nakaraang buwan.