-- Advertisements --

Binatikos ng batikang abogado na si Atty. Ruben Carranza ang hayagang ‘inequality’ o hindi patas na pagtrato sa ilalim ng sistema ng hudikatura sa Pilipinas.

Si Atty. Carranza ay nagsisilbi bilang Senior Expert sa International Center for Transitional Justice, isang organisasyon na tumutulong sa mga komunidad na apektado ng mga kaguluhan, mapang-abusong pamamahala, at human rights abuse.

Tinutukoy ng abogado ang kasalukuyang nangyayari kay Senator Ronald Dela Rosa na halos hindi maisilbi ang warrant of arrest laban sa kaniya.

Aniya, may isang indibidwal nang na-convict sa ilalim ng Republic Act 9851, ang local version ng Pilipinas sa International Humanitarian Law. Ito ay isang ordinaryong miyembro ng Maute terror group, ang grupo na inakusahang nasa likod ng Marawi siege.

Ayon kay Carranza, hindi siya nakapagtago sa Senado o sa mga lokal na korte sa Pilipinas at sa halip ay hinarap niya ang hatol ng korte.

Ngunit pagdating kay Sen. Bato na nahaharap sa warrant na inilabas ng International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity na pinaparusahan din sa ilalim ng RA 9851, mistulang hirap ang gobiyerno na ipatupad.

Sa kabilang banda, ngayong araw (May 21) ay ipinag-utos na ng Department of Justice ang tuluyang pag-aresto kay Sen. Bato, alinsunod sa kaniyang kinakaharap na warrant.