-- Advertisements --

Binigyang-diiin ni Sen. Win Gatchalian ang pangangailangan ng malawakang pag-aayos sa Senado, lalo na sa imahe nito, kasunod ng mga serye ng kaguluhan na nangyari sa mataas na kapulungan nitong nakalipas na lingo.

Binanggit ng senador ang mga lumalabas ngayong video sa internet kung saan paksa ng kaliwa’t-kanang puna at katatawanan ang mga nangyari sa mataas na kapulungan. Ginagawa aniyang memes at katatawanan ang mistulang ‘drama’.

Dapat aniyang mabago ito at mapagtuunan ng pansin ng kasalukuyang liderato o ng sinumang susunod na lider ng Senado.

Ayon pa kay Gatchalian, sa loob ng sampung taon niya bilang senador ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong sitwasyon.

Aminado ang senador na tinamaan o naapektuhan ang dignidad at imahe ng Senado, kasunod ng mga serye ng kaguluhan, lalo na ang naganap na pamamaril sa loob.

Sa ngayon ay lumilinaw na rin aniya ang nangyaring pamamaril, at dapat mailabas ang actual na nangyari sa mataas na kapulungan, kasama na ang pagpapanagot sa sinumang sangkot dito.

Dapat din aniyang siguruhin na hindi na ito mangyayari sa hinaharap, bilang pag-protekta sa imahe at integridad ng kapulungan.

Maalalang lumutang ang pangalan ni Gatchalian bilang isa sa mga napipisil na maging pangulo ng Senado, dahil sa kaniyang hatak na pag-samahin ang ilang miyembro ng majority bloc at lahat ng kasalukuyang minority bloc.

Nagpahayag na rin ng interest at kumpiyansa ang iba pang senador sa kakayahan ni Gatchalian na mamuno sa Senado. (report by Bombo Jai)