KALIBO, Aklan – Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang bentahan ng iligal na droga sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Lt. Col. Frenzy Andrade, head of Aklan Provincial Drug Enforcement Unit, kasabay sa muling pagbangon ng turismo sa isla ay ang pagbalik ng illegal drug trade lalo na sa mga manggagawa.
Dahil dito, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang anti-illegal drug operation.
Kadalasang ipinupuslit aniya ang droga sa isla at mainland Malay sakay ng mga truck at Ro-Ro vessels mula sa mga lalawigan ng Luzon habang ang iba ay sa pamamagitan ng courier services matapos mabayaran online ang supplier.
Hinahati-hati umano ng mga drug personalities sa Aklan ang bulto ng shabu na dumadating.
Nauna dito, isang 37-anyos na tulak ng shabu ang naaresto ng pulisya sa Boracay.
Nakuha sa posesyon at kontrol ng suspek ang dalawang pinaghihinalaang sachets ng shabu sa halagang P2,000.