LEGAZPI CITY – Pinigilang makababa ang crew members ng isang barko mula Myanmar na dumaong sa Barangay Lidong, Sto. Domingo, Albay kahapon.
Ayon kay PCapt. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagtungo sa lalawigan ang naturang barko upang magkarga ng pitong tonelada ng coconut oil mula sa isang kumpanya sa Albay.
Napag-alaman na lulan nito ang mga Indian crew, mga taga-Myanmar at iba pang tripulante mula naman sa iba’t ibang bansa.
Inihayag ng hepe na agad nagtungo sa area ang mga tauhan upang kausapin ang engineer ng barko.
Tiniyak naman nito na hindi papalabasin ang mga crew bilang bahagi ng precautionary measures laban sa COVID-19.
Sakaling maikarga na ang mga naturang produkto, agad namang babiyahe ang barko paalis ng Albay sa Martes o Miyerkules upang bumalik sa Myanmar.
Samantala, nagpasalamat naman si Oserin sa pang-unawa at kooperasyon ng mga lulan ng naturang barko.