-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Datu Marcos Bocales na tinatayang aabot sa 30 tribung pamilya ng Barangay Simowao at Km 9 Emerald ng Barangay Diatagon sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur, ang sapilitang nagsilikas.

Ito’y dahil sa muli na naman umanong pangha-harass ng New People’s Army (NPA) sa lugar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Datu Bocales na hinarangan daw ng teroristang grupo ang mga community peace and development projects ng gobyerno sa pamamagitan ng paghahasik ng lagim sa kanilang lugar.

Ayon kay Datu Bocales, may sulat pang ipinadala ang NPA na may idadamay silang sibilyan kung hindi lilikas kung kaya agad namang pinababa ng militar ang mga residente.

Inihayag pa nitong may mga propaganda pang pinapalabas ang NPA na dahil sa militar kung kaya nagsilikas ang mga residente.

Sa ngayo’y inaasikaso na ni Datu Bocales ang mga kakailangain para sa ayudang maibigay ng gobyerno sa mga apektadong tribo.