-- Advertisements --

Ilalabas umano ng Department of Education (DepEd) sa Hunyo ang P3,500 na cash allowance para sa mga guro.

Batay sa DepEd memorandum na may petsang Mayo 4, gagamitin ang nasabing allowance para sa pagbili ng mga kinakailangang suplay para sa pagtuturo at iba pang mga materyales para sa paparating na school year.

Maliban dito, maglalabas din ang DepEd Central Office ng “separate policy guidelines” para magamit ng mga guro ang naturang allowance para sa mga teaching supplies at materials kaugnay sa paghahanda para sa Learning Continuity Plan (LCP).

Nakadetalye sa LCP ang ang mga pagbabago sa polisiya na kailangan para siguruhing hindi maaapektuhan ang sektor ng edukasyon sa gitna ng coronavirus crisis.

Una nang sinabi ng kagawaran na magsisimula nang magtrabaho ang mga public school teachers sa Hunyo bilang paghahanda sa 2020-21 school year na magbubukas sa Agosto 24.