-- Advertisements --

Pormal nang inilunsad ng Department of Education (DepEd) ngayong araw, ika-dalampu’t anim ng Agosto, ang Project LIGTAS o Learning Institution Geohazard Tracking and Assessment for Safety matapos ang matagumpay na pilot testing nito noong Mayo.

Isa itong advanced risk intelligence platform na gumagamit ng artificial intelligence (AI) at satellite imagery upang matukoy ang mga posibleng hazard sa bawat paaralan.

Kabilang sa pangunahing feature nito ang AI-powered weather forecast na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa lagay ng panahon hanggang sampung araw nang maaga.

Gamit din ang satellite images at hazard maps, natutukoy nito ang mga partikular na panganib sa bawat paaralan at nakapagbibigay ng early warning.

Kabilang sa mga tinututukan nitong hazard ang baha, volcanic activity, landslide, at lindol.

Layunin ng Project LIGTAS o Learning Institution Geohazard Tracking and Assessment for Safety na makatulong sa mga paaralan at lokal na pamahalaan na mas maagang makapaghanda at makaresponde sa mga banta ng kalamidad, mabawasan ang mga araw ng kanselasyon ng klase, at mapanatiling ligtas ang mga guro at estudyante.

Hindi direktang nag-uutos ang platform ng class suspension, ngunit nagbibigay ito ng risk assessment na maaaring maging batayan ng mga Local Government Unit at school authorities sa kanilang pagpapasya. (report by Bombo Cindy Grayda)