ILOILO CITY – Nababahala ngayon ang mga magsasaka sa tatlong bayan sa Iloilo matapos na inatake ang kanilang taniman ng palay ng atangya o rice black bug.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Ildefonso Toledo, chief ng Provincial Agriculture Office, sinabi nito na kabilang sa mga bayan na inatake ng atangya ay ang Concepcion, Cabatuan, at Pototan sa Iloilo.
Ayon kay Toledo, ang naturang mga peste ay unang umatake sa Barangay Aglosong sa bayan ng Concepcion kung saan sako sakong mga atangya ang nakuha.
Anya ang mga dahon ng palayang inatake ng atangya ay nagiging kayumanggi, bansot, at matamlay; bumababa ang bilang ng suwi, at nagkakaroon ng pamumuo ng uban o whiteheads ang mga palay.
Pinayuhan naman ni Toledo ang mga magsasaka na maglagay ng light trapping device upang mahuli ang mga insekto.
Ang matinding atake ng atangya ay kayang pumatay ng mga halaman.
Nakapagpapababa din ito ng ani kahit kaunting pinsala lamang.
Nakababawas ito ng ani dahil sa pagkakaroon ng mga pipis at kakaunting butil sa bawat uhay.
Kung mayroong 10 atangya bawat puno ay maaari nang makapagpapababa ito ng ani mula 15% hanggang 23%.