BACOLOD CITY – Binabalak ngayon ng ilang mga sikat na komedyante sa Pilipinas na ipagpatuloy ang kanilang comedy shows sa pamamagitan ng live streaming bilang paraan ng pag-adopt sa “new normal” sa sektor ng entertainment na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay singer-impersonator Jon Santos, kailangan aniya nilang pag-aralan ang panibagong paraan ng pagpapasaya lalo pa’t nakakapanibago ito dahil sa loob ng maraming taon ay nasanay sila na magtanghal sa entablado na napapanood mismo ng mga tao.
Iba rin aniya ang pakiramdam na nagpe-perform na nakikita nila nang personal ang expression ng mga manonood sa kanilang mga skits.
Paglalahad pa ni Santos, sari-saring emosyon ang nararmdaman niya dahil nasanay sila sa comedy club kung saan nasa 300 na katao lang ang nanonood.
”Excited na nakakatakot kasi siyempre sanay ka sa comedy club 300 katao lang yon may idea ka diba. Papano ka mag jo-joke ng politics, mga ganyan sa milyon-milyon na nakikinig when you are stream. So kailangan aralin, iba yong intimate crowd na live na nakikita mo kung nakikita mo kung merong natatawa at hindi natatawa.”
Nakilala si Santos sa kanyang mga panggagaya sa ilang mga sikat na personalidad sa Pilipinas, gaya ni Rep. Vilma Santos-Recto.