Magsasagawa muna ng preliminary assessment ang Department of Justice (DOJ) kung ipapahawak ba nila sa kanilang inter-agency task force ang imbestigasyon sa pagpaslang sa labor leader na si Dandy Miguel kagabi, Marso 28, 2021.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevara, kung makitaan ng indikasyon na ang pagkamatay ni Miguel ay may kaugnayan sa pagiging labor leader nito, isasama aniya ng kanilang AO 35 committee ang imbestigasyon sa kaso nito sa kanilang mga hinahawakang kaso.
Si Miguel, ang vice chairperson ng Pamantik Kilusang Mayo Uno, ay binaril kagabi sa Calamba City, Laguna, ayon sa pulisya, na kaagad namang iniugnay ng labor group sa crackdown ng pamahalaan kontra mga makakaliwang aktibista.
Sinabi ni Guevara na maaring ngayong linggo masisimulan ang preliminary assessment sa kaso ni Miguel.
Sa ilalim ng AO 35 mechanism, ang mga prosecutors ang mangunguna sa isang team ng mga imbestigador mula sa mga law enforcement agencies.
Ang AO 35 task force na ito ang siyang nag-iimbestiga rin sa ngayon sa pagkamatay ng siyam na aktibista sa simultaneous police operations sa Calabarzon noong Marso 7, at pagpaslang sa mga aktibista na sina Randal Echanis at Zara Alvarez noong nakaraang taon.