-- Advertisements --
cropped DICT 1 3

Tinutunton na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga organisadong sindikato na gumagamit ng rehistrado ng SIM card para mang-scam ng mga tao sa kabila pa ng mandatoryong SIM card registration sa bansa.

Ito ay matapos na maibunyag sa isang budget hearing ng DICT at attached agencies nito sa House Committee on Appropriations na bumibili ng pre-registered SIM card ang mga sindikato mula sa mga indibidwal na payag na ibenta ang kanilang SIM kahit pa nakarehistro dito ang kanilang pangalan.

Ayon kay DICT Secretary Ivan Uy, binibili umano ang isang sim sa halagang P500. Pagbubunyag pa ng opisyal na may iba pa aniya na nagbebenta at nagpaparehistro ng 10 SIM cards na nakapangalan sa sim users subalit ang hindi nila alam kasama sila sa masasampahan ng kasong kriminal kapag nagamit sa panloloko ang nirehistrong SIM cards.

Kayat nagbabala ang DICT official sa publiko na huwag makipag kuntsaba pa sa pagbebenta ng kanilang SIM cards.

Ibinabala din ni Uy na malakas ang mga sindikatong ito dahil very well funded sila dahil ginagamit nila ito para makapang-scam.

Sa kasalukuyan, marami ng mga sindikato ang nahuli ng awtoridad na sangkot sa ganitong panloloko, kung saan ang pinakabago ay kinasasangkutan ng 6 na indibidwal na nag-ooperate sa 25,000 pre-registered Sim cards sa Pasay city.

Nasa tinatayang P1 billion naman na ang halaga ng nakumpiskang SIM cards na may load na e-wallet.

Paalala naman ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na huwag mag atubiling ireport sa mga awtoridad ang text scams upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng naturang iligal na gawain.