Posibleng makakuha ng sapat na suporta sa House of Representatives ang mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa mga political analyst, matapos umanong lumakas ang ebidensya na iniharap sa mga pagdinig.
Gayunman, nananatiling hamon kung maaabot ng Kamara ang bilang ng boto na katulad noong nakaraang taon, lalo na sa gitna ng nagbabagong pamunuan at realignment sa pulitika.
Ayon kay Ederson Tapi, isang political science professor sa University of Makati, posibleng makuha ang minimum na kinakailangang boto upang umusad ang kaso, ngunit hindi garantiya na mauulit ang malawak na suporta noong 2025.
“Ang minimum threshold ay kayang maabot, pero maaaring
mahirapan na makuha ang parehong bilang ng boto dahil sa iba’t ibang salik tulad ng bagong liderato at pagbabago
ng alyansa,” ani Tapi.
Sa ilalim ng proseso, kailangan ang hindi bababa sa 1/3 o 106 na boto mula sa 318 miyembro ng Kamara upang maipasa ang articles of impeachment sa Senado, na siyang uupo bilang impeachment court.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring matanggal sa puwesto ang bise presidente at pagbawalang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno habang-buhay.
Noong 2025, mahigit 200 mambabatas ang lumagda sa impeachment complaint laban kay Duterte, ngunit kalaunan ay ibinasura ito ng Supreme Court of the Philippines matapos kuwestiyunin ang proseso, partikular ang pagbabawal sa higit sa isang impeachment proceeding sa loob ng isang taon.
Samantala, Ayon naman kay Arjan Aguirre, assistant political science professor sa Ateneo de Manila University, may mga mambabatas umano na maaaring nagdadalawang-isip dahil sa posibleng epekto nito sa kanilang posisyon, lalo na’t nananatiling popular si Duterte at itinuturing na isa sa mga nangungunang posibleng tumakbo sa halalang 2028.
“May mga nagtitimbang ng political risk ng pagkontra sa isang popular na personalidad laban sa lumalakas na ebidensya,” paliwanag niya.
Lumakas umano ang kaso laban sa bise presidente matapos iharap sa mga pagdinig ang mga testigo at dokumento, kabilang ang testimonya ng isang dating tagasuporta na nagsabing nagsilbi siyang “bagman” na naghatid ng pera sa ilang indibidwal na sa Ramil Madriaga.
Bukod dito, iniulat din ng Commission on Audit (COA) ang umano’y mga isyu sa paggastos ng pondo ni Duterte noong siya ay bise presidente at kalihim ng edukasyon mula 2022 hanggang 2024. Mayroon ding inilatag na mga ulat hinggil sa bank transactions na umano’y umaabot sa bilyong piso na hindi tugma sa kanyang idineklarang yaman.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng mga analyst na hindi lamang bilang ng boto ang usapin kundi ang pagkakaisa ng liderato ng Kamara upang makabuo ng sapat na suporta.
“Karaniwang kumikilos ang Kamara kapag may sapat na political alignment. Hindi lang ito simpleng bilangan ng boto kundi usapin ng konsolidasyon,” ani Tapia.
















