Pinuna ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y patuloy na paglabag ng ilang negosyante sa umiiral na price freeze, at nanawagan sa Department of Trade and Industry (DTI) na magsagawa ng aktwal na inspeksyon sa mga pamilihan upang masiguro ang proteksyon ng mamimili.
Ipinatupad ng DTI ang price freeze hanggang Mayo 10 bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan. Ngunit ayon kay Tulfo, may mga ulat na hindi ito nasusunod, partikular sa maliliit na tindahan at lokal na palengke.
“May ilang negosyante na tila sinasamantala ang kakulangan ng mahigpit na monitoring, lalo na sa mga lugar na hindi agad naaabot ng inspeksyon,” ani Tulfo.
Ayon sa senador, ang mga mamimiling umaasa sa maliliit na tindahan ang pinakaapektado ng ganitong gawain, dahil limitado ang kanilang pagpipilian sa pagbili ng pangunahing pangangailangan.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang pag-asa lamang sa mga ulat at dokumento. Kailangan aniyang maglatag ang DTI ng mas aktibong presensya sa mga pamilihan sa pamamagitan ng on-ground inspection.
“Kung maraming reklamo ang lumalabas, dapat itong beripikahin sa aktwal na sitwasyon sa mga tindahan at palengke,” giit niya.
Binigyang-diin din ni Tulfo na nawawalan ng saysay ang mga programang ayuda kung hindi mapipigilan ang manipulasyon sa presyo ng mga bilihin.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang sinumang lalabag sa price freeze ay maaaring managot sa kasong administratibo, pagmumulta, at posibleng pagkakakulong, depende sa bigat ng paglabag.















