Aminado si Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na ang pagbabago sa pamunuan ng Senado ay posibleng makaapekto sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cendaña sa panayam ng Bombo Radyo, hindi malayong makaapekto ang anumang pagbabago dahil ang mga senador ang magiging senator-judges sa oras na mag-convene ang impeachment court.
Binanggit din niya na may ilang mambabatas na matagal na lumiban ngunit biglang pumasok para lamang sa impeachment voting.
Giit ni Cendaña, hindi dapat matangay ng politika ang paninindigan sa pagpapanagot sa mga opisyal na pinaniniwalaang nang-abuso ng pondo ng bayan.
Umaapela siya sa mga senador na umakto nang naaayon sa tungkulin at huwag ibase ang pagboto sa personal na kaugnayan sa mga Duterte.
Dagdag pa niya, hindi dapat maulit ang kabiguan ng nakaraang 19th Congress na magampanan ang trabaho sa paglilitis ng impeachment case dahil sa mga pinabayaang tungkulin at naantalang pagtupad sa Saligang Batas.
















