Dismayado ang mga senador matapos matuklasang mahigit 30 health workers na nasawi dahil sa COVID-19 ang wala pa ring natatanggap na pinansyal na tulong.
Ito’y kahit nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na may P100,000 compensation ang mga frontliners na madadapuan ng corona virus, habang P1 million naman ang makukuha ng pamilya kung masasawi ito habang ginagampanan ang tungkulin.
Para kay Sen. Sonny Angara, hindi katanggap-tanggap na maantala ang tulong para sa mga taong nagbuwis ng buhay para magawa ang tungkulin na protektahan ang nakararami laban sa COVID-19.
“Under the Bayanihan Law I, health workers who catch COVID-19 must be compensated P100,000 and those who succumb to the disease P1 million to their family. We are very disappointed about this piece of news that due to the lack of implementing rules and regulations (IRR), these have not been paid at all. We at the Senate will take action to get this moving,” wika ni Angara.
Para naman kay Sen. Panfilo Lacson, hindi dapat maging hadlang ang IRR para matulungan ang mga nadapuan ng sakit.
“It’s in the law. The lack or absence of the IRR should not be an excuse not to comply with the law,” pahayag ni Lacson.
Inilabas naman ni Philippine Red Cross chairman at Sen. Richard Gordon ang kaniyang data ukol sa mga health workers na dinapuan ng virus.
Nasa 32 na aniya ang mga nasawi, habang 1,172 health workers naman ang mga nagpositibo, 952 sa mga ito ay mayroong mild condition at 218 naman ang asymptomatic o walang gaanong sintomas ng sakit, maliban pa sa dalawang nasa kritikal ang kalagayan.
Sa panig ni Sen. Kiko Pangilinan, hindi dapat palagpasin ang pagkaantala ng tulong, kaya sana raw ay huwag itong tigilan ng mga senador, hanggang sa maibigay ang angkop na tulong sa mga naapektuhang health workers.