-- Advertisements --
Christine Dacera

Pinamamadali na ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Ayon kay Guevarra, umaasa itong sa susunod na linggo o pagkatapos ng 10 araw ay mayroon nang resulta ang isinasagawang parallel investigation ng NBI.

Kaugnay nito, sinabi ni Guevarra na ngayong araw ay ipinatawag na ng NBI ang mga indibidwal na nasa hotel na nakasama ni Dacera bago ito mamatay.

Pati raw ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel rooms na naka-check in noong naganap ang insidente ay ipapatawag ng NBI para magbigay ng kanilang testimonya.

Madali lamang daw makilala ang mga ito dahil nasuri na rin ng NBI ang mga CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, corridor maging sa loob ng elevator.

Samantala, kasalukuyan nang sinusuri ng forensic expert ang sample tissues na nakuha mismo ng NBI sa bangkay ni Dacera bago ito inilibing kahapon.

Sinabi ni NBI Spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin na dumating na kahapon ang sample tissue at isasailalim na ito sa forensic examination.

Ang resulta naman daw ng imbestigasyon sa mga samples na nakuha ng NBI sa City Grand Hotel sa isinagawa nilang crime scene investigation ay asahan nang ilalabas sa susunod na linggo.

Tiniyak ni Lavin na sa pamamagitan ng imbestigasyon ng NBI ay lalabas ang katotohanan kung ano talaga ang nangyari bago mamatay ang flight attendant.